Saturday, December 12, 2009
Eat Bulaga! stays with GMA Network
Source: Fidel Jimenez, gmanews.tv
Mananatili sa Kapuso Network ang nangunguna at pinakamatagal na noontime show sa Pilipinas, ang Eat Bulaga!
Sa ulat ng GMA news Saksi nitong Biyernes ng gabi, sinabing nagpirmahan na ng kontrata ang mga pinuno ng Kapuso Network at TAPE Incorporated na namamahala sa Eat Bulaga!
Pumirma para sa GMA Network sina Atty. Felipe L. Gozon, Chairman, President at CEO; G. Gilberto Duavit Jr., Executive Vice President at COO; at Felipe Yalong, Senior Vice President for Corporate Services Group.
Samantala, kumatawan naman sa TAPE Inc. sina Antonio Tuviera, presidente; at Malou Ochoa Fagar, Executive Vice President. Sumaksi sa pirmahan ng kontrata ang ilang host ng Eat Bulaga na sina Tito Sotto, Joey De Leon, Anjo Yllana, Wally Bayola at Ruby Rodriguez.
“Wala naman kaming ibang gustong programa sa tanghali kundi ang pinakamalakas na Eat Bulaga!," ayon kay Atty. Gozon.
“Isa lang ang masasabi namin sa GMA 7, there’s no place like home. Maraming salamat GMA 7," sambit naman ni G. Tuviera.
Ipinagdiriwang ng Eat Bulaga! ngayong 2009 ang kanilang ika-30 taon sa telebisyon na nagsimulang mapanood sa RPN 9 noong July 1979. Taong 1995 nang lumipat sa GMA 7 ang Eat Bulaga!
0 Side Comments: to “ Eat Bulaga! stays with GMA Network ”
Post a Comment